New Normal: Pag abandona sa Sarili Nating Lupain?
May mga bagay na mas masakit kaysa sa pagkatalo.
Ito yung unti unti kang nawawalan, at habang nangyayari ito, tinatanggap mo na lang.
Unti unting nawawala ang teritoryo.
Unti unting humihina ang paninindigan.
Unti unting umaalis ang sariling mamamayan.
At sa huli, tinatawag natin itong normal.
Pero hindi ito normal. Ito ay resulta ng mahabang panahon ng kahinaan at kakulangan ng pambansang direksyon.
Ang Pagkawala ng Sabah
Ang Sabah ay dating sakop ng Sultanato ng Sulu. Noong 1878, nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng Sultan ng Sulu at ng British North Borneo Company.
Sa bersyon ng mga Briton, ito ay cession o tuluyang pagsuko ng teritoryo. Sa panig ng Sultanato ng Sulu, malinaw na ito ay pagpapaupa lamang. Lease, hindi pagbebenta.
Dalawang interpretasyon. Dalawang pananaw.
Ngunit sa huli, hindi interpretasyon ang nagpasya ng kasaysayan. Kung di Lakas.
Noong 1963, isinama ang Sabah sa Federation of Malaysia matapos ang plebisito na isinagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng United Nations. Patuloy ang pag-angkin ng Pilipinas, ngunit sa realidad, wala tayong kontrol sa teritoryo.
Masakit ang katotohanan. May hawak tayong kasaysayan. May hawak tayong patunay.
Pero kung mahina ang estado, ang papel ay papel lamang.
Spratlys at ang Tahimik na Pagkatalo
Sa West Philippine Sea, ang bahagi ng Spratly Islands ay inaangkin ng China, Vietnam, Malaysia, at Pilipinas.
Nagwagi ang Pilipinas sa 2016 arbitral ruling laban sa China sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea. Kinilala ng Permanent Court of Arbitration na walang legal basis ang nine dash line claim ng China.
Isang panalo sa batas.
Pero matapos ang desisyon, patuloy ang presensya at konstruksyon ng China sa ilang bahura at isla.
Nanalo tayo sa papel. Pero sa aktwal na teritoryo, sino ang may kontrol?
Mindanao at ang Sigaw ng Paghiwalay
Sa loob ng dekada, may armadong kilusan sa Mindanao na naglalayong magkaroon ng hiwalay na estado. Ang Moro Islamic Liberation Front ay nakipagkasundo sa gobyerno na nagbunga ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao noong 2019.
Ang BARMM ay produkto ng mahabang negosasyon upang maiwasan ang tuluyang paghihiwalay.
Isipin mo iyon. Isang bahagi ng bansa ang umabot sa puntong gustong kumalas.
Kapag may rehiyon na handang umalis, may sugat ang bansa na hindi naagapan.
OFWs: Bayani o Simbolo ng Kabiguan
Mahigit 2 milyong documented Overseas Filipino Workers ang naitala ng Philippine Statistics Authority. Ang kanilang remittances ay umaabot sa higit 30 bilyong dolyar kada taon at bumubuo ng malaking bahagi ng ating ekonomiya.
Tinatawag natin silang bayani. At oo, sakripisyo ang kanilang ginagawa.
Pero kailangan nating maging tapat.
Bakit kailangang umalis ng bansa para lang mabigyan ng maayos na buhay ang pamilya?
Bakit kailangan mong mangibang bansa para makabili ng sariling bahay?
Sa panahong may advanced construction technology at sapat na likas na yaman ang Pilipinas, bakit tila napakahirap magkaroon ng disenteng pamumuhay kung mananatili ka rito?
Hindi dapat ito ang normal.
Hanggang Kailan?
Ang pagkawala ng Sabah.
Ang kahinaan sa West Philippine Sea.
Ang muntik na paghihiwalay ng Mindanao.
Ang milyon milyong Pilipinong kailangang umalis para mabuhay.
Hindi ito magkakahiwalay na pangyayari.
Isa itong pattern ng bansang pa-urong.
Ang tanong ay hindi lamang kung ano ang nawala.
Ang tanong ay ito. Hanggang kailan tayo papayag na ang pag-alis sa sarili nating lupa ang maging bagong normal?
Ang Pilipinas ay may lupa. May tao. May talino. May yaman.
Kung may kulang man, hindi iyon potensyal.
Wala tayo sa tamang systema.