Nag-anunsiyo si Sara Duterte ng kanyang pagtakbo sa 2028 presidential race. Maaga. Matapang. At malinaw na senyales na nagsisimula na ang labanan sa direksyon ng bansa.

Pero ang mas mahalagang tanong para sa atin bilang mga Pilipino:

Maisusulong na kaya ang federalismo kung siya ang maupo?

Ano Ba ang Federalismo at Bakit Ito Isinusulong?

Ang federalismo ay sistemang pampamahalaan kung saan ang kapangyarihan ay hinahati sa pagitan ng pambansang gobyerno at mga rehiyon o estado.

Sa kasalukuyan, unitary system ang Pilipinas — sentralisado ang kapangyarihan sa Maynila.

Noong administrasyon ni Rodrigo Duterte (2016–2022), malakas ang panawagan para sa federalismo. Noong 2018, naglabas pa ang Consultative Committee (ConCom) ng draft federal constitution. Ngunit hindi ito naipasa sa Kongreso.

Fact: Ayon sa mga survey ng Social Weather Stations noong 2018, higit sa kalahati ng mga Pilipino ang hindi pamilyar o hindi malinaw ang pagkaunawa sa federalismo.

Ibig sabihin: hindi pa handa ang masa noon.

Mga Factors sa Federalismo:

Political Machinery

Malakas pa rin ang impluwensya ng pamilyang Duterte, lalo na sa Mindanao. Ang federalismo ay isa sa mga pangunahing adhikain ng kanilang kampo.

Regional Support

Ang Mindanao ang isa sa pinakamalakas na tagasuporta ng federalismo dahil sa matagal na reklamo laban sa “Imperial Manila.”

Kongreso ang Susi

Hindi sapat ang presidente lang. Kailangan ng:

  • 3/4 vote ng Kongreso para sa constitutional amendments

  • O kaya Constitutional Convention

  • Posibleng plebisito nationwide

Kung walang sapat na kaalyado sa Senado at Kamara, hindi uusad ang federalismo.

Tandaan: Hindi ito Magic Solution.

Ang pagsulong ng federalismo ay paraan lamang upang hindi maging korap ang buong bansa sakaling maging korap ang Presidente. Binibigyan nito ng mas malaking kapangyarihan ang mga rehiyon upang hindi sila basta-basta maimpluwensiyahan o makontrol ng Malacañang.

Kung pareho lang ding mga pulitikong magnanakaw ang mauupo sa regional level, korap pa rin ang kalalabasan. Hindi awtomatikong nawawala ang katiwalian dahil lang nagpalit ng sistema.

Pero sa ganitong sistema, mas makakapag-focus ang Federal Government sa pangkalahatang direksyon at seguridad ng bansa, habang may malinaw na mekanismo para disiplinahin o panagutin ang mga rehiyong may laganap na korapsyon.

Sa madaling salita, binabawasan natin ang abilidad ng isang Pangulo na kontrolin ang buong makina ng pagnanakaw.

Hindi nito ginagawang perpekto ang gobyerno. Ngunit nililimitahan nito ang konsentrasyon ng kapangyarihan. Sa madaling salita, hindi natin hinahayaan na ang kapalaran ng buong bansa ay nakasalalay sa iisang tao lamang.