Federalism: Isang Hakbang Para Bawasan ang Korapsyon?
Paulit-ulit nating naririnig ang salitang korapsyon. Para bang naging normal na lang sa sistema. Bilyon-bilyon ang nawawala. Mga proyekto, kulang o substandard. Mga serbisyo, mabagal. At ang tanong ng bayan: bakit parang hindi natatapos?
Isang malaking dahilan: sobrang sentralisado ang kapangyarihan sa ating bansa.
Halos lahat umiikot sa Maynila. Budget? Sa sentral na gobyerno. Malalaking desisyon? Sa sentral na gobyerno. Impluwensya? Nasa sentro rin. Kapag nandoon ang pera at kapangyarihan, natural doon din nagtitipon ang mga gustong makinabang. Iisang malaking “kaban ng bayan” ang pinag-aagawan ng iilan.
Dito pumapasok ang usapin ng federalism.
Ano ang Federalism?
Sa sistemang federal, hinahati ang kapangyarihan sa pagitan ng national government at mga rehiyon. Bawat rehiyon may sariling pamahalaan, may sariling budget, at may malinaw na sakop na kapangyarihan. Hindi lahat kailangang idaan sa sentro bago kumilos.
Mas may kalayaan ang mga rehiyon na pamahalaan ang sarili nilang ekonomiya, imprastraktura, at mga programang panlipunan ayon sa kanilang tunay na pangangailangan.
Paano Ito Makakatulong Laban sa Korapsyon?
1. Mas madaling panagutin ang mga magnanakaw.
Sa Leyte ang nakawan? Edi sa Leyte ang rally. Hindi mo na kailangan lumipad pa-Maynila para maningil ng pananagutan.
Kung sa rehiyon mo nangyari ang katiwalian, doon din mismo maririnig ang sigaw ng taumbayan. Mas mabilis ang pressure. Mas direktang accountability.
2. Bawat rehiyon may pondo at kapangyarihan.
Sa centralized system, iisang malaking pondo ang hawak ng iilang tao. Doon nagtitipon ang lobbying, political maneuvering, at mga pabor-pabor. Kokontra ka? Walang kang pondo!
Sa federalism, hinahati ang fiscal power. Bawat rehiyon may kontrol sa malaking bahagi ng sariling kita at gastusin. Mas mahirap kontrolin ang buong bansa kung hindi nakasentro sa iisang lugar ang lahat ng kapangyarihan.
3. May Kompetisyon sa Pagitan ng mga Rehiyon
Kung ang isang rehiyon ay maayos ang pamamalakad malinaw ang accounting, mabilis ang serbisyo, mababa ang red tape makikita agad ang resulta. Dadagsa ang negosyo. Tataas ang trabaho.
Kung corrupt ang pamunuan, mahuhuli sila kumpara sa ibang rehiyon. Makikita ng taumbayan ang diperensya. May natural na pressure para umayos.
4. Mas Madaling Bantayan
Mas madaling mag-monitor ng regional government kaysa bantayan ang buong bansa. Mas aktibo ang media, civil society, at mga mamamayan kapag mas lokal ang pamamahala.
Kapag mas malapit ang pera sa tao, mas ramdam nila kung may nawawala.
Pero Hindi Ito Magic Solution
Maging malinaw tayo: hindi awtomatikong mawawala ang korapsyon dahil lang nagbago ang sistema.
Kung pareho pa rin ang political dynasties, kung patuloy ang kultura ng padrino at utang na loob, maaaring ma-decentralize lang ang korapsyon imbes na tuluyang mawala.
Kaya kung may federalism, kailangan din ng:
-
Mas malinaw na transparency at auditing systems
-
Mas matatag na civic education
- Aktibong partisipasyon ng taumbayan sa pamahalaan
Ang federalism ay structural reform. Binabago nito ang daloy ng kapangyarihan. At minsan, ang problema natin hindi lang ang tao, kundi ang sistemang nagbibigay ng sobrang kontrol sa iilan.
Ang Mas Malalim na Tanong
Bilang mga Pilipino, kailangan nating itanong:
Gusto ba natin ng gobyernong mas malapit sa atin?
Gusto ba natin ng mga rehiyong may sariling lakas at pananagutan?
O mananatili ba tayo sa sistemang paulit-ulit ang sentro ng kapangyarihan?
Ang laban kontra korapsyon hindi lang laban sa personalidad. Laban ito sa estruktura.
Kung seryoso tayo sa pagbabago, dapat handa tayong pag-usapan ang malalalim na reporma. Hindi ito simpleng debate sa politika.
Ito ay usapin ng kinabukasan ng bayan.